"Kahit isang araw lang sa isang taon, Minda! Kahit isang araw lang, manahimik ka!"
Nalagot na. Parang hindi matatapos 'tong buhok ko.
"Ikaw ang manahimik tangina ka! Gago neto."
"Tangina, tangina, tangina."
Diyos ko po. Iba na ang pakiramdam ko rito. Kalahati pa ang nagugupit sa buhok ko.
"Kapal ng mukha mo, James! Umaasta kang parang ikaw lang ang nagtatrabaho para may ipanglamon sa mga anak natin, ah. Gago mo. Kung di ba naman tayo inisyuhan ng warning ni Kap eh baka napatay na kita ngayon hayop ka."
"Baka una kitang mapatay, tangina ka. Isasama ko na rin 'yung gago mong kabit!"
"Punyeta!"
Tumingin si James sa'kin. Ngumiti.
Suki na 'ko rito sa barber shop ni James. Kada buwan ang inspeksyon ng buhok ng mga lalaki sa paaralan kaya kada buwan akong napaparito. Magaling si James dahil hindi ko pa nasasabi ang gusto kong istilo ng buhok eh alam na niya. Meron ngang panahon na mas maganda pa ang istilo ng gupit niya kesa sa sinabi ko. Alam ni James kung ano ang mas bagay sa'kin. Kabisado na niya ang buhok ko.
Sa loob ng kanyang barber shop ay mayroong tindahan na naghahati sa espasyo sa loob. Si Minda ang nagbabantay dito, asawa niya. Tuwing nagpapagupit ako ay laging may hinanakit ang asawa niya na dinadaan sa walang katapusang pagpuputak. Putak dito, putak doon. Tangina rito, tangina roon. Gago ka, James dito, gago ka, James doon.
"Pasensya na, Carl. Narinig mo pa 'to."
Walang imik na nag-aabang ang iba pang magpapagupit, ngunit alam kong nakikinig din sila sa away ng mag-asawa.
"Sinabi ko na sa'yo na linisin mo 'yung kanal sa 'tin para tuwing umuulan eh hindi umaapaw. Tingnan mo ang nangyari kahapon. Oh diba nakapasok sa loob ng marupok mong bahay ang tubig? Tangina at maruming tubig pa!"
"Carl, ano bang gagawin ko rito sa misis ko?"
Napailing ako.
"Pagod na pagod na kasi ako."
"At bakit maaga kang nagsara nung isang araw? Wala tayong utang, James? Wala tayong gastusin? Ba't parang hindi ka apektado, ha? Anong ginawa mo nung isang araw at maaga kang nagsara?"
Tumigil si James sa pagugupit sa buhok ko.
"Ikaw ang tatanungin ko, Minda. Na'san ka nung isang araw, ha? Wala ka buong araw, di ba? Anong karapatan mong tanungin ako kung bakit maaga akong nagsara na ikaw itong wala buong araw? Ha? Na'san ka? Sa kabit mong kulay uling?"
"Punyeta!"
Hinagis ni Minda ang isang karton ng katol patungo kay James. Natamaan sa ulo ang barbero. Bali-bali na ang mga katol na nasa sahig ngunit kinuha ito paisa-isa ni James.
"Kita mula sa barber shop ang ginamit mong kapital sa tindahan mong 'yan, Minda. Ang kita ko ang pinanggagastos sa mga bata, sa pagkain natin, sa mga damit nila at mga damit mo, sa kuryente, sa tubig, sa mga burloloy mo. Saan napupunta ang kita sa tindahan mo? Ni minsan ba nag-abot ka sa'kin ng pera para pambili man lang ng pagkain ng mga anak mo? Ni minsan ba humingi ako sa'yo? Ano?"
Pumasok si James sa tindahan dala-dala ang karton ng katol.
"Ano ba ang gagawin ko para manahimik ka, ha?"
"Hangga't nabubuhay kang gago ka hindi talaga ako matatahimik! Punyeta 'tong buhay na 'to!"
Lumabas si James sa tindahan at nagpatuloy sa pagupit sa buhok ko.
"Carl," napatawa si James. "Tanginang buhay talaga. Lord, kahit kalahati sa isang araw lang ho, sana manahimik ang asawa ko."
"Manalangin ka ng mas specific, kuya James," sabwat ko.
"Tama, tama. Lord, hindi ko po pinapanalangin na sana mamatay na ang asawa ko. Gusto ko lang na sana maputulan ng dila ang punyetang 'to."
"Tumahimik kang tangina ka!" bulyaw ni Minda.
"Kahit isang araw lang ho, maputulan ng dila 'to, okay na sa'kin 'yun. Kahit isang araw lang na tahimik at walang gulo. Walang asawang putak nang putak."
Hinagis ni Minda ang isang bote ng Tanduay na muntikan nang matama sa ulo ulit ni James ngunit nakailag ito. Natapon ang bote sa kalye at narinig ang banal na KRAAKSSH.
"Tangina ka! Gago ka! Gago ka!"
"Carl, ayoko na."
"Ano na gagawin mo, kuya James?"
"Gago ka! Gago! Gago!"
"Suko na 'ko."
"Paputol po banda rito, ito po. 'Yan. Tapos po, kuya, ano na po?"
"Gago ka! Tangina! Pisti!"
"Bahala na."
Tumigil si James, inilagay ang panggupit sa mesa malapit sa 'kin. Napabuntong-hininga ito. Kinuha niya ang gunting at ang pulbo.
Anong gagawin niya? Di pa tapos ang gupit ko.
Lumakad siya papasok ng tindahan. Nakatingin lahat sa kanya.
Nakatayo siya sa harapan ni Minda, na nakaupo at nagte-text.
"Minda."
"Gago, ano?!" Tumingin si Minda sa kanya.
Winisik ni James ang pulbo sa mukha ng asawa.
Dalawang beses.
Tatlo.
Apat.
"Puta! Puta!" sigaw ni Minda.
Sinaksak niya ang asawa sa leeg.
Dalawang beses.
Tatlo.
Apat.
"Puta!" Sigaw ng lalaki sa likod ko. Tumingin ako sa labas at nakitang nagsitakbuhan na silang lahat.
Tangina, James. Ang buhok ko, hindi pa tapos.
No comments:
Post a Comment